“Pano ka ba nasali diyan? May kumakausap ba sa’yo? “ Wala.” “Di nga?” “Oo, ako lang ang kusang sumali.” “Iba ka nga.” Nagsimula ang lahat ika-15 ng Disyembre taong 2006, mga panahon na nasa rurok ng pakikipaglaban ang mga estudyante ng UP laban sa nakaambang pag-apruba ng BOR saTOFI. Kasama ang isa kong kakilala kusang-loob kaming sumama sa rally. Nagsimula muna sa isang programa sa AS hanggang sa pagmartsa papuntang Quezon Hall hanggang sa pataksil na pagapruba, naroon kami. Ayaw ko lang sa TOFI kaya sumama ako. May maliit na kurot man sa puso ko na gusto kong sumali sa grupo ng mga aktibista, hindi pa rin naging sapat iyon upang itulak ang aking sarili sa kanila. Pero may isang makulit na nilalang ako na nakilala. Kaklase siya nung kasama ko. Hindi ako ang kausap niya nun kundi ang kasama ko. Pero hindi ko alam kung bakit ako biglang nagsalita. Sinabi ko na interesado ako sumali. At ang nilalang na ito ay agad-agad naglabas ng membership form at pinasusulatan agad. Whoa! Teka ang bilis naman ata. Napailing ako. Sabi ko pag-iisipan ko. Umoo naman siya at babalik siya after five minutes. Teka kako, hindi naman ata ganun kabilis. Pero makulit talaga. Kaya sinabi ko na lang na sa pasukan ko na lang sasabihin ang desisyon ko. Dumaan ang bakasyon. Kahit hindi raw counted iyung simba ng madaling araw ng Pasko, nakabuo pa rin ako. Kasi nung 16, hindi na ako nagising sa sobrang pagod. Ay, hindi pala. Nagising ako pero akala ko ay alas-3 ng umaga ang misa. Nagising ako ng 3:30. Ayun, hindi na ako tumuloy. Pero kung alam ko lang, nakahabol ako. Anyway, balik tayo sa kwento. May paniniwala tayong mga Pilipino na kapag natapos ang simbang gabi, sa ika-9 na gabi ay maari kang humiling at sigurado na matutupad iyon. Sa mga dumaang araw, ang lagi kong ipinagdarasal na sana tulungan Niya ako sa magiging desisyon ko. Isa ito sa pinakamabibigat na desisyon na gagawin ko at anuman ang magiging pasya ko dito ay wala nang atrsan; kailangan kong panindigan. Natapos ang simbang gabi at Pasko ngunit wala pa rin akong nabubuong pasya. Tinitimbang ko muna ang mga dahilan. Pero isa ang pagkakamali ko: hindi ko kinonsulta ang aking mga magulang na sa bandang huli, ito ang magiging dahilan ng isang malaking problema ng aming pamilya. Dumating ang Bagong Taon. Sabi ng mga numerologists, ito ang taon ng simula at katapusan. Dahil daw sa 2+0+0+7=9. Ang 9 ang huling numero. Marami daw mangyayari. Hindi man ako naniniwala sa mga ganito ngunit marami ngang nagsimula at nagtapos sa buhay ko. Nauna na diyan ang pagpanaw ng aming si Inang (see related story below). Sumunod ay ang pagkakaungkat sa kung sino ang may-ari ng lupang kinatitirikan ng bahay namin at ng tita ko. Isa pa ay ang matinding hirap sa pinansya. At ang huli, ang pagsali ko sa isang progressibong grupo. Sumali ako sa grupo ika-28 ng Hunyo, kaarawan ng aking tatay. Ikalimampung taong kaarawan niya. Hindi ko alam sa aking sarili kung sadya ba ito o hindi. Pero, siya talaga ang isa na marahil sa dahil kung bakit ako sumali. Ipinaglalaban niya ang kanyang paninindigan. Sa dati niyang trabaho, natanggal siya dahil sa gumawa siya ng hakbang upang maimbestigahan ang kanilang presidente sa mga ‘di maganda nitong ginagawa. Hanga ako sa kanya. Ayaw niya na ang perang ipambibili namin ng pagkain ay manggagaling sa ‘di magandang bagay. Isa pa sa mga nagtulak sa akin ay ang pagtataas ng matrikula sa UP. Nais ko na makapag-aral din dito ang aking kapatid. Ngunit dahil sa TOFI, malamang hindi na namin kakayanin. Sobra ang galit ko noon sa mga taong nagtutulak nito. Hindi nila alam kung gaano ba kahirap ang buhay. Lalo na noong nabasa ko doon sa primer ng admin na ang kita daw ng isang pamilya noong 1990 ay tumataas taun-taon. Magtanong na lang sila sa sarili nila kung tumataas ba ang sahod nila. Isa ito sa dahilan. Ang isa pa ay ang pangako ko sa sarili ko noong high school. Hindi ko na hahayaan ang ibang tao na makatakas sa responsibilidad sa kanilang ginawa sa ngalan ng katahimikan. Pinalagpas ko ang garapalang pandaraya sa exam namin para wala nang gulo. Kinunsinte ko sila. Hindi ko talaga mapapatawad ang aking sarili. Hindi nila pinagbayaran ang kanilang mga nagawang mali. Hindi nila natutunan na ang isang bagay gaano man ito kasimple kapag inulit-ulit mong gawin, malaki ang epekto nito sa iyong buhay. Kaya hindi ko na hahayaang mangyari pa ulit ‘yon lalo na kung may hindi tama; gaya ng nangyayari sa ating kasalukuyang panahon. ***** Pero inaamin ko hindi ako buong loob na sumali sa kanila, hanggang ngayon. Kahit pa madalas akong nakaksalimuha sa kanila at madalas din ako pumupunta sa mga educational discussions nila. Marahil ang dahilan din ay hindi pa ako nakakasama sa isa sa mga rally nila. O di kaya dahil may ilang bagay na hindi ako sumasang-ayon sa kanila. Isa na sigurong mabigat na tanong ay kung sinusuportahan ba nila ang aramdong pakikibaka na ginagawa ng NPA. Hindi ko pa ito naitatanong pero batay sa pakikisalamuha ko sa kanila, iyun pa rin ang pinasukdulang kaparaanan para baliktarin ang tatsulok at baguhin ang lipunan. Sang-ayon ako sa sinasabi sa tatsulok. Ang kapangyarihan at yaman ay nakasentro lamang sa iilan. At ang mga taong bumubuo sa mayorya ng mga Pilipino ay nasa ibaba. Sila ang mga api at lugmok sa kahirapan. Tama nga na ibigay ang kapangyarihan sa mga taong nasa ibaba ng tatsulok. Ngunit, hindi kaya dahil sa napakarami ng taong nasa itaas mauuwi din ito sa ‘di maganda at sa bandang huli, sa iilan din mapupunta ang kapangyarihan at yaman na taliwas sa ninanais ng pagbaliktad sa tatsulok. At sa pagbabaliktad ng tatsulok hindi rin nito mabubuwag ng tuluyan ang tatsulok upang bumuo ng lipunan na kung saan ang lahat ay pantay-pantay. At may paliwanag nga pala sila sa sinabi ko kanina. Kung titingnan ko raw sa konteksto ngayon kung posible bang mangyari ang mga ito, hindi ko raw makikita ito pero kung sa ibang konteksto mo ito iisipin, posible na maganap ito. Ngunit, ano nga kaya ang konteksto na iyon? Marahil kaya maraming tao ang takot at ayaw sumama sa mga ipinaglalaban ng mga aktibista ay dahil hindi nila ito maintindihan. Sana ang ‘konteksto’ na kanilang sinasabi ay maiintindihan ng mga tao at hindi isang kathang-isip lamang. Sinasabi rin nila na ang pakikipaglaban na ito ay pakikibaka para sa pambansang demokrasya. Ngunit kung sa bandang huli ay bubuwagin na ang tatsulok, hindi na rin kakailanganin pa ng isang demokrasya. Pantay-pantay na ang lahat. Alam ng isa ang pangangailan ng kapwa niya. Kaya lahat ng gagawin niya ay para sa kapakanan ng lahat. At ang isang pangyayari na kamakailan lamang: sinuportahan nila si Ralph Recto, ang Ama ng EVAT. Kasama ang iba pang mga progresibong partlist groups, nagkaroon sila noon ng isang press conference para ihayag ang mga senador na kanilang susuportahan. Hindi ko na maalala kung sino ang kanilang mga sinuportahan pero tumatak ang isang pangalan na siyag ikinagulat ko: si Ralph Recto. Sabi nila ang mga senador na ito ay mga “staunch supporter” ng pagsusulong ng human rights at paglaban sa extra-judicial killings. Pero, hindi ba ayaw nila sa EVAT? Panay ang batikos nila na pahirap ito sa masa. “VAT tayo ang papasan?” pa ang tanong nila. Naisip ko: hindi kaya tuloy para lamang sa sariling kapakanan nila ang kanilang iniintindi. Lalo na at sa mga panahong ito na isa-isa nang tumutumba ang mga lider-aktibista. Bayaan na muna ang EVAT, mas mahalaga na buhay kami. Isang inconsistency sa mga isinusulong nila. Ang isa pa marahil ay ang pagsasabi nila ang tuluyan pagbabago sa ating mala-pyudal at mala-kolonyal na lipunan ay hindi magaganap sa konteksto na ating kinapapalooban ngayon. Isang simpleng tanong, kung gayon bakit kinakailangan pa nila na tumakbo bilang mga partylist representatives kung naniniwala naman sila na walang magagawang pagababago sa kasalukuyang sistema? Maraming pang tanong ang hinahanapan ko ng sagot. Mga tanong na sa mga oras na ito hindi ko na malala ang iba. Marahil ay nabigyang kasagutan ang iba pero hindi pa rin ito malinaw. Kaya siguro nga, hindi ako buong loob na sumali sa kanila. At, hindi ko pa maituturing ang aking sarili na isa na ako sa kanila. At kailangan ko munang makipag-usap sa isa sa kanila. Pero sa ngayon, mag-iisip muna ako. ***** Ngunit sa kabila ng mga pag-aalinlangan ko na ito. Marami din mga bagay ang sinasang-ayunan ko sa kanila. Ipinaglalaban nila ang mga “basic rights” ng mga tao: trabaho, lupa, edukasyon, sahod, karapatang sibil at marami pang iba. At dahil sa mga ipinaglalaban nila kadalasan silang nababansagan na mga kalaban ng gobyerno. Puro negatibo na lang daw ang kanilang nakikita. Pero ‘di ba, lahat tayo ito ang mga ninanais. Matiwasay na pamumuhay. Nakakakain ng tatlong beses isang araw. Nakakapag-aral ang mga anak. May permanenteng trabaho ang mga magulang. Sino ba ang aayaw ng ganitong klaseng buhay? Wala naman siguro. Pero dahil sa kanilang mga progresibong ideya, madalas silang hindi naiintindihan. Salot daw sa lipunan. Gusto lamang nila palagi na pabagsakin ang gobyerno. Palagi na lamang gulo ang kanilang dala. Ngunit sa mga panahong napapagtagumpayan nila ang kanilang mga laban, wala man lamang nag-aabot ng pasasalamat sa kanilang mga nagawa. Isa na marahil sa pinakamalaking tagumpay ng mga aktibista ay ang unang EDSA. Kaya nga lang masyadong natutok sa iisang personalidad ang pagiging dahilan ng pangyayaring ito. Kahit pa maituturing na isa itong malaking kabiguan dahil sa wala itong naidulot na malaking pagbabago sa ating lipunan, ang ipinakita nito na kaya nating magkaisa ng dahil sa gusto natin na magkaroon ng pagbabago ay sapat nang dahilan upang ipagpatuloy ng mga aktibista ang pagmumulat sa mga tao upang sa muling pagkakaisa ng sambayanan ay makapagdala na tayo ng tunay na pagbabago na magtatagal. Pero siyempre, mukhang matatagalan pa muli ito. Hindi rin kasi maganda na magkakaisa tayo ngayon tapos wala in pala kakahantungan. Sabi nga hindi raw sapat ang oppresyon para makatulak sa mga tao para mag-protesta, “…it is critical consciousness that gives rise to radical action.” ***** Ngunit sa kabila ng mga nabanggit ko kanina, hanggang sa mga panahong ito, aminado akong naguguluhan pa rin ako. Hindi ko alam kung gumawa ba ako ng maling desisyon. Marahil nasa panahon ako na dumadaan sa transisyon. Isang mahirap na transisyon. Sa ginawa ko na ito, biglang lumakas ang mga humahatak sa akin pabalik na iwanan ko na ito habang hindi pa huli ang lahat at ang isa ipagpatuloy ang nasimulan dahil kung hindi ngayon, kailan? Sa ngayon, ang mga dahilan upang iwanan na ang lahat ay mas bumibigat. Kabilang na dito ang pakitungo ng aking pamilya. Alam kong naging malaking pabigat ito sa kanila. Nag-aalala sila. Alam ko na parang masyadong OA na ito dahil sino ba naman ako? Marahil alam nila kasi na mula noon may ipinapakita na akong iba sa lahat at ikinakatakot nila na magtuloy-tuloy ito. Pero binibigyan ko pa ng pagkakataon ang aking sarili upang kilalanin sila. O kung hindi ko na sila makilala, ako’y magiging aktibista na lamang sa aking sariling pamamaraan. At sa ngayon ulit, magulo pa rin ang buha ko at ayaw ko munang ayusin ito. Labels: aktibista, litanya |
hello :)
finally got to read ur bloggy :)
haha :) i miss you...
well, i hope ur okay now, just keep in mind that im here always whenever you need me :)
kabisado m nmn number co db? :)
haha.. and guess what kabisado co nrin number mo :)
hehe :)
well..
i just hope ur okay na :)
and u don't have ur worries anymore :)
imissyou :)
Zie