Magmula noong Jan 26, hindi na ako mapakali. Iyun na ang huli kong pagbisita sa aking lola, Inang kung siya ay aming tawagin. Malala na ang sitwasyon niya. Hindi gaya noong huli naming punta doon. Nakakapgsalita pa siya at hindi pa niya kailangan ng oxygen. Pero sa Biyernes na iyon, hindi na siya makapagsalita, tumatango na lang siya at nilagyan na siya ng oxygen. Nakakaawang tingan si Inang sa ganoong sitwasyon. Dahil sa edad niyang 83, wala pa siyang naging malalang sakit. Malakas siya. Nakakapaglakad pa kahit hindi mo alalayan. Hindi pa maputi ang kanyang buhok. Halos itim pa ang lahat. Pero, iba na siya noong nakita ko. Sabi sa amin ng kanyang doktor, mild stroke lang daw iyon. Makaka-recover pa si Inang. Medyo ako'y napailing dahil sa kanyang CT Scan result, may internal hemorrhage siya, napaka-imposible naman na may pumutok nang ugat at namuo na ang dugo, 'mild stroke' lang iyon. Pero dahil nagtitiwala ako sa doktor na sa pamamagitan niya ay gagaling na siya, balewala na sa akin iyon. Ang mahalaga, gagaling si Inang. Pero naging malabo ang lahat. Tumagal siya sa ospital ng higit sa 2 linggo. At nagtanong na kami sa ibang doktor, sabi nila, hindi naman dapat ganun katagal ang pasyente sa ospital lalo naman at mild stroke lang ito. ****************** Simula pa lang noong na-confine ang aming si Inang, nagkaroon na daw siya ng premonition, na siya ay malapit nang pumanaw. Nakakita na siya ng mga mapuputi at nakakasilaw na ulap, mga anghel at inalayan siya ng isa sa mga anghel ng mga puting bulaklak. Doon pa lang, sinimulan na naming ihanda ang aming mga sarili sa nalalapit na niyang paglisan. Pero sa kabila nito, Diyos pa rin ang bukambibig ni Inang. Sa tuwing may bumibisita sa kanya, siya palagi ang namumuno sa pagdarasal. Mangangaral ng mga aral sa Bibliya, may tatlo siyang mga talata sa Bibliya na siyang ipinangangaral niya, isa na doon ang. Juan 3:16. May dalawa pa na sa Juan at Mateo makikta ngunit nakalimutan ko ang numero. Sinasabi din niya na hinihiling niya sa Diyos na wag niyang alisin ang kanyang memorya. Sana daw kunin na niya ang lahat wag lang iyon. Hindi ko alam ang dahilan. Marahil, dahil ayaw niya na malimutan ang Diyos. ****************** Biyernes. Pebrero 2. 4:30 ng hapon. Hindi ko alam kung bakit hindi ako mapakali. Uuwi na ako sa Bulacan pero ang mga paa ko ay ayaw umalis sa boarding house na tinutuluyan ko. Para bang, ang dami kong nalimutang gamit pero wala naman. Paalis na sana ako, pero kaya pala, may umalis na sa amin. Noong mga oras na iyon ay abala din ang aking nanay at mga kapatid niya sa paghahanap ng ospital na malilipatan. Inaayos na nila ang arrangements sa PGH para doon ilipat. Masyado na kasi mahal ang ginagastos namin sa ospital na naka-confine ang lola ko pero hindi naman siya gumaling-galing. Kaya napagpasyahan nila na ilipat na lang kung pupwede pa. Naayos na nila ang lahat. Pero, wala pa silang alam sa mga nangyari. Nasa bus na ako. Wala na akong naupuan kaya nakatayo ako. Tinext ko ang nanay ko kung magkikita ba kami sa Balagtas para dumalaw kay Inang. Sabi niya, wag na lang daw kasi nasa Maynila pa sila, umuwi na lang daw ako at wala pang nagluluto sa amin. Umuwi na nga ako ng diretso. Sumakay na ako ng dyip. Nang nasa may Matungao na kami. Sa may tapat ng punerarya, hindi ko sinasadayng mapalingon sa may bintana; nahablot ng aking paningin ang sasakyan ng tito ko. Hindi ko nakita ang plaka, pero sigurado ako na sa kanya iyon. Biglang pumasok sa isip ko si Inang. Huwag naman sana. Nakarating na ako sa bahay at sinabi agad sa kapatid ko ang nakita ko. Sabi niya, baka naman kapareho lang ng sasakyan ng tito namin iyun. Oo nga, baka nga kapareho lang dahil madami na akong nakita na katulad ng sasakyan niya dati. Pero, iba pa rin ang pakiramdam ko. Nasabi ko na lang sa kanya na baka may masama nang nangyari. Sabi agad niya na 'wag akong magsalita ng ganyan. Hindi maganda iyon. Oo nga, hindi tama. Dahil walang masamang mangyayari. At nananalig ako. Kumain na kami. Nagluto ako ng noodles na lang kasi wala na kaming ulam sa ref. Hindi pa nakakapamili ang nanay ko dahil sa naging abala sila sa pag-aasikaso sa Inang namin nitong mga nagdaang araw. At habang kumakain kami, may kumatok sa pintuan namin. Wala sa isip namin na may masama na palang balita. Pagbukas ng pinto, agad niyang sinabi na: "Wala na si Inang.." Nagulat kami. Nagtanong ng mga nangyari. At doon nagtapos ang aming pag-uusap. Nang malaman ko iyon, hindi ko alam kung ano ang nararamdaman ko. Wala pang mga luhang pumatak. Nasabi ko na lang sa kapatid ko, "Tama pala ako." Nawalan na ako ng ganang kumain. Pinilit ko na lang ubusin ito. Tapos, tumawag na ang tatay ko. Tinanong niya sa amin kung alam na ba namin ang balita. Sabi ko alam na namin. Tapos sabi niya ay kumain na kami at gagabihin na sila. Sabi ko ay tapos na. Tumawag naman ang nanay ko, dama ko sa boses niya na umiyak siya kanina. Nangangatog ang boses niya. Pilit na pinalalakas ang sarili. Pero hindi maitatangi na umiyak siya. Sabi niya, "O kumain na kayo ha, si Inang wala na..." ****************** Wala na ako nasabi pa. Hanggang sa mag-gabi na. At nahiga na ako sa kama. Iniisip ko pa din ang mga nangyari. Pero hindi na ako nagulat. Matanda na si Inang. Tama na ang paghihirap niya. Oras na para siya ay magpahinga. Pero mahirap pa rin tanggapin. Lalo na sa kanyang mga anak. ****************** Kinabukasan, nagpunta na kami sa burol ng Inang namin sa bahay ng tita ko. Tahimik ang lahat. Kakaiba ang pakiramdam ng paligid. Hindi ito natural sa lugar na iyon; ang makaramdam ng kalungkutan. Sa bahay na ito, madalas nagkakasama-sama kami ng buong mag-anak para kumain may okasyon man o wala. Masaya ang lahat. Maiingay na kwentuhan at tawanan ang maririnig mo. Pero ngayon; katahimikan. Nakaupo sa may kabaong ng lola ko ang nanay at tita ko. Nag-uusap sila. Lumapit kami ng kapatid ko at nag-mano. Pagkatapos ay sumilip na kami sa kinahihimlayan ng Inang namin. Hindi pa rin nagbago ang hitsura niya. Mas nagmukha pa siyang bata. Nandun pa rin ang kapansin-pansin niyang maitim pa rin na buhok. Pero hindi maitatanggi ang laki ng pinayat niya dahil sa ilang linggong pagkaka-confine sa ospital. Halos buto't balat na siya. Pero ang kanyang mukha ay hindi pa rin nagbago. Wala pa ring gaanong wrinkles sa noo. Sabi nga ng nanay ko, totoo daw pala na kapag namatay ang isang tao, bumabalik ang hitsura nito sa pagkabata. ****************** Nang nakita ko na ang Inang namin, wala pa ring mga emosyon. Gulat pa din ako. Hindi pa rin makapaniwala. Sabi nga nila, parang natutulog lang siya at mamaya lang ay gigising na siya. Pero hindi na mangyayari iyon, dahil patay na siya. Bandang hapon ay kami naman ang nagbantay sa may sala kasama ng pinsan at kapatid ko. Natulog muna ang nanay at tita ko. At habang nakaupo ako doon, inisip ko ang mga nangyari. Pinagnilayan. At saka naiyak. Hindi ko na napigilan pa. Napahagulgol ako. Senyal man iyon ng pagiging mahina at hindi lalake, wala ako pakialam. Hindi ko alam pero siguro ako na ang pinaka-iyakin sa pamilya namin. Mas madalas pa ata ako umiyak kaysa sa kapatid ko o siguro sa kahit sino sa pamilya namin. Tawagin mo na akong bakla. Pero sa pag-iyak mas gumagaan ang pakiramdam ko, mas naitatanim sa utak ko ang mga aral at mga nangyari; gaya ng sa Inang ko. ****************** Bigla kong naalala ang mga pagkakataon na kung saan kapag ipinakikilala ako ng lola ko sa ibang tao palagi niyang binabanggit ang pangarap ko: maging presidente ng Pilipinas. Hindi ko alam kung bakit niya madalas na sabihin iyon. Hindi ko ito pinahahalagahan. Ni hindi ko siya napasalamatan dahil siya ang unang naniwala sa pangarap ko. Aaminin ko, kahit ako hindi ako nagtiwala sa sarili ko na matutupad ko iyon. Na hanggang pangarap na lang. Inspirasyon. Mahirap abutin. Pero si Inang, naniniwala na maabot at kaya ko iyon. Ngayon, nagsisisi ako at hindi ko siya napasalamatan sa kanyang munting bagay na ginagawa para sa akin. Na ang simpleng pagbanggit ng pangarap ko na iyon sa ibang tao ay siya ngayo'y magiging isang malaking bagay upang pagsikapan at panindigan ang aking pangarap. Inang, salamat. Tutuparin ko ang pangarap ko. Magiging presidente ako ng Pilipinas. Alay ko sa iyo ang magiging tagumpay ko. ****************** Dumaan ang mga araw ng kanyang burol. Nakakagulat ang dami ng mga taong nakikiramay at nag-aabot ng mga abuloy sa amin. Hindi namin alam na ganito karaming tao ang napamahal kay Inang. Wala kaming kamalay-malay na madaming malaking pagbabago na nagawa si Inang sa mga buhay ng mga taong ito. Halos hindi nauubos ang bisita sa hapon at gabi. Umaga na lang ang oras ng pahinga namin pero minsan madami din ang pumupunta sa umaga. Pero kung nakapunta kayo sa amin noong burol niya, hindi mo mararamdaman na nasa burol ka. Naghanda ang mga magkakapatid. Pinapakain ng tanghalian o hapunan ang mga nagpupunta. Hindi mo alam kung burol ba ito o isang handaan. Walang uuwi ng hindi ka busog. Lahat dapat kumain. Ang sabi pa nga, "sige na kumain ka na, ayaw ni Inang ng hindi kumakain.." Marahil kaya sila naghanda dahil si Inang ayaw niya talaga ng hindi ka kumakain. Isusubo na lang niya, ibibigay pa sa iyo. ****************** Palapit na ng palapit ang araw ng kanyang libing. Parang hindi ko lubos maisip na ayan na, ililibing na si Inang, sa ilalim ng lupa. Hindi na namin masusulyapan ang kanyang mukha. Pero kailangang tanggapin, dahil doon din tayo lahat hahantong: sa kamatayan. May mawawala, may darating. Ganyang ang buhay. Minsan ang mga pinakamapapait at masasakit na aral ay kailangan mong matutunan sa paraan na hindi mo talaga magugustuhan at minsan sa kamatayan mo pa matutunan. ****************** Araw na ng kanyang libing. Ika-6 ng Pebrero taong 2006. Nagising ako ng alas-siyete ng umaga. 12 na ng madaling araw kami natulog kagabi. Magkakatabi kami ng nanay at kapatid ko sa kama. Doon na kami pinatulog sa kwarto ng tita ko. Nasa paanan naman namin ang isa ko pang tita. Kaya isipin mo kung gaano kalaki iyon at nagkasya kami. Hindi naman iyon gaanong kalakihan pero dahil sa kagustuhang magpahinga, nagkasya kami. Nag-kape at pandesal kami. Ang paboritong agahan ni Inang sa umaga. Lahat kami iyona ang almusal. Brewed coffee pa nga. Ngayon lang kami nag-ganoon. Sayang, hindi na ito natikman ni Inang. Umuwi muna kami para mapalit ng damit at maligo. Alas-diyes ang misa ng Inang ko. Dapat sa hapon kaya lang walang mga pari sa hapon, may seminar daw sa seminaryo. Pero sa hapon ang libing niya. Kulay puti ang sinuot naming damit. Hindi napagkasunduan pero ganoong ang sinuot naming lahat. Sinabihan ako ng nanay ko na ako na daw ang magsalita mamaya sa harap para magpasalamat. Kasi baka hindi sila makapagsalita. Naiintindihan ko naman iyon. Pero siyempre, kinakabahan pa rin ako at pilit kong pinapawi na para kay Inang itong gagawin ko. Ngayon, pa lang ako magsasalita in-behalf ng aming buong pamilya at hindi sa lahat ng pagkakataon ay magagawa ko iyon. Kaya pinagpraktisan ko na ang sasabihin ko. Dumating ang misa. Iba na naman ang atmosphere. Sa homiliya, umiiyak halos ang lahat. Lalo na ang mga magkakapatid. Bago pa ang libing, nagkaroon muli ng salu-salo sa pananghalian. Medyo napawi ang lungkot. Pero sigurado na mamaya. Muling babaha ang mga luha. Alas-tres na ng hapon. Handa na ang lahat. Nagkaroon ng panalangin muna at sa hindi ko inaasahan, on-the-spot ay ako na naman ang pinagsalita sa harapan para magpasalamat. Sa ngayon, kaharap ang mas maraming tao. Nagsalita ako. Maikli lang. Nagpasalamat sa mga nakiramay at hiniling na isama si Inang sa kanilang panalangin. Mabuti na lang at medyo napigilan ko ang pag-iyak. Na-touch ako dahil sa dami ng mga tao na makikilibing. Iba talaga si Inang. ****************** Lumakad na ang lahat. At habang naglalakad, nariyan ang mga umiiyak; kasama na ako. Maganda ang kantang pinatugtog: Lead me Lord, ang pinakapaborito kong kantang-relihiyoso. Talagang mahalga sa amin, sa mga oras na iyon na ang Diyos ang manguna sa amin. Malapit lang ang libingan ngunit parang isang buong araw kaming naglakad. Bumubuhos ang mga emosyon. Lalo na ng dumating na sa sementeryo. Sa huling sulyap kay Inang, dito na tuluyang bumuhos ang mga luha, nakabasag ng puso na makita ang mga taong malapit sa iyo na umiiyak. Lalong nakakalungkot na eto na ang huling pagkakataong masusulyapan namin siya. Hanggang sa ngayon, hindi pa rin nabubura sa aking isip ang mga pangyayari sa mga oras na iyon. At iniligak na siya sa huli niyang hantungan. Wala na talaga siya. Hanggang doon na lang. Natahimik ang lahat. Siguro, kahit papaano, natanggap na nila na wala na si Inang. Wala na... ****************** Pagkatapos ng libing, nagkaroon muli ng huling pagsasama ng lahat sa isang hapunan. Iba na muli ang pakiramdam. Heto ang mga taong nanghihina dahil sa pagkawala ni Inang na nagsama-sama muli para damayan ang isa't isa at magbigayan ng lakas. At umaasa ang lahat na sana masaya na si Inang kung nasaan man siya, pero nakasisiguro ako na kapaling na niya ang Diyos at natamo na niya ang tunay na kaligayahang ipinangako sa atin. ****************** Paalam Inang. Magkikita din tayong muli. Maraming salamat sa panahong inilagi mo dito sa piling namin. Maging maligaya ka na diyan sa piling ng Panginoon. Pangako. Magiging presidente ako ng Pilipinas. Paalam. Labels: inang, paalam, pamilya |